Dalawa pang OFW mula Liberia, naka-quarantine sa Cebu dahil sa Ebola virus

Dalawa pang OFW mula Liberia, naka-quarantine sa Cebu dahil sa Ebola virus

Video: Dalawa pang OFW mula Liberia, naka-quarantine sa Cebu dahil sa Ebola virus


CEBU CITY, Philippines – Inaasahang lalabas na ngayong Martes ang 62-anyos na overseas Filipino worker na sumailalim sa dalawampu’t isang araw na mandatory quarantine sa pasilidad ng Department of Health sa Cebu.

Ang hindi pinangalanang OFW ay galing ng Sierra Leone at isinailalim sa 21-day quarantine protocol ng DOH.

“Once released he’ll be given certificate, from clearance from the doctors of Quarantine that he does not have Ebola virus,” pahayag ni Dr. Dino Caing, section head ng DOH RESU-7.

Kaugnay nito, dalawa pang Filipino worker mula sa Liberia ang naka-quarantine din ngayon upang obserbahan kugnay ng Ebola virus.

Ayon sa DOH, ang dalawa ay nagtatrabaho bilang accountant sa Liberia.

Dumating sila ng Pilipinas noong Disyembre 16 sa pamamagitan ng connecting flights sa Morocco, Dubai, Kuala Lumpur patungong Mactan.

Bagama’t walang sintomas ng nakamamatay na sakit, kailangan silang i-quarantine upang masiguro na hindi carrier ng Ebola virus.

Tatagal ang pananatili nila sa ospital hanggang sa unang linggo ng Enero 2015.

At gaya ng naunang OFW, papayagan rin sila ng DOH na madalaw at makausap ng kanilang kaanak o kaibigan sa kondisyong nakasuot ang mga ito ng facial mask at may layong isang metro kapag mag-uusap.

Nilinaw naman ng DOH na hindi nila pinapayagan na dumalaw ang mga bata maging ang matatanda.

“We discourage young children, and elderly because they are more prone, it’s not only Ebola no but also to other infection kasi nag-travel pa sila,” saad pa ni Dr. Caing.

Ayon sa DOH, sa 700 na mga OFW na nasa Ebola affected countries, nasa 13-14 na lamang ang nakatira sa Central Visayas at hindi pa umuuwi ng bansa. (Naomi Sorianosos / Ruth Navales, UNTV News)

Rating:

Leave a reply